Pagbili ng “sando” para sa PDLs minamadali ng BuCor ngayong summer season

Sa nalalapit na panahon ng tag-init o summer season, iniutos ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. ang emergency procurement o agarang pagbili ng singlet o “sando” para sa persons deprived of liberty (PDLs) upang makaiwas sa mga sakit na makukuha mula sa mataas na heat index.
Nagbaba rin ng direktiba si Catapang sa mga kinauukulan na tiyakin ang pagpapanatili ng supply ng tubig sa lahat ng pasilidad ng BuCor.
Inatasan din niya si CT/CSupt. Ma Cecilia V. Villanueva, OIC-Deputy Director General for Reformation and Acting Director for Health and Welfare Services (DHWS) na maghanda kasunod ng anunsyo ng PAGASA dahil palapit na ang mga buwan ng panahon ng tag-init.
Sinabi ni Villanueva na hepe ng New Bilibid Prison Hospital na pinaka-importante na magpatupad ng agaran at proactive measures upang mapigilan ang mga kondisyong pangkalusugan na maaaring dulot ng high-heat index sa lahat ng Bucor facilities.
Ipinag-utos na rin ni Villanueva ang lahat ng hepe ng Health Service ng BuCor para mapanatiling mapanuri at ipatupad ang mga hakbang at kaagad na ireport sa DHWS office sa loob ng 24-oras para tiyaking napapanahon ang pagtugaygay at pagresponde.
Sa kanyang memorandum na may petsang Marso 3 sa lahat ng directors, directorate superintendents ng Operating Prison and Penal Farms, hepe ng mga health services, ospitals, at opisina kung saan ibinabala ni Villanueva ang mga karaniwang sakit sa panahon ng tag-init o mga kondisyon at pag-iingat dahil sa mataas na heat index.
Tinuluran naman ni Villanueva ang health tips mula sa Department of Health (DOH) ngayon panahon upang makaiwas sa sunburn, sintomas ng trangkaso gaya ng sipon at ubo, sakit ng tiyan, sakit sa balat, rabies infections at sore eyes. (Bhelle Gamboa)