MUNTINLUPA: 30 Taon ng Talino, Kaunlaran at Katatagan

Ipinagdiwang ng Muntinlupa ang ika-30 anibersaryo ng pagiging lungsod nito noong Marso 1, 2025, tampok ang State of the City Address (SOCA) ni Mayor Ruffy Biazon sa Filinvest Tent, Alabang, kung saan inilahad niya ang mga tagumpay, kasalukuyang proyekto, at adhikain ng lungsod.
Sinimulan ang selebrasyon sa isang Thanksgiving Mass, kasunod ang groundbreaking ng Mental Health and Palliative Care Building at Mega Health Center—mga proyektong nagpapakita ng pagtutok ng lungsod sa kalusugan at edukasyon.
Pinarangalan din ng lokal na pamahalaan ang kanilang Top 10 taxpayers na pinangunahan ng Ford Group Philippines (Top 1), Filinvest Land – Festival Mall (Top 2), at Filinvest Alabang (Top 3).
Binigyang-diin ni Mayor Biazon na ang kontribusyon ng taxpayers ang kaagapay ng pamahalaang lungsod sa pagkamit ng pangarap nitong maging isang Smart, Sustainable, at Strong City sa pamamagitan ng 7K Agenda (Kalusugan, Karunungan, Kabuhayan, Kalikasan, Katarungan, Kapayapaan-Kaayusan, at Kaunlaran) kasama ang mga Smart City Initiatives.
Kabilang sa mga pangunahing programa ang MUNtizen ID at pagpapalawak ng MUNConnect na libreng Wi-Fi para sa publiko, bilang mga bahagi ng layuning gawing Model Smart Urban Village ang Muntinlupa. Pinagtibay rin ni Mayor Biazon ang patuloy na pag-update ng Comprehensive Land and Water Use Plan at Zoning Ordinance bilang gabay nito sa resource allocation and development.
Dahil sa mahusay na pamamahala, nakatatanggap din ng malalaking parangal ang Muntinlupa tulad ng Seal of Good Local Governance (SGLG) at matataas na ranking sa Cities and Municipalities Competitiveness Index.
“Ang Muntinlupa, hindi lang sumusunod sa agos. Tayo mismo ang nagtatakda ng ating kinabukasan,” ani Mayor Biazon, habang hinihikayat ang bawat Muntinlupeño na makibahagi sa patuloy na pag-unlad ng lungsod.
Bahagi rin ng anibersaryo ang month-long activities tulad ng clean-up drives, job fairs, senior citizen programs, Kalingang Munti Service Caravan, trade fairs, art exhibits, at sports competitions. (Bhelle Gamboa)