Guidelines sa pagbuo ng mga tanggapan ng gobyerno para sa Negros Island Region inilabas ng DBM

Inilabas ng Department of Budget and Management (DBM) ang Circular Letter No. 2025-3 na nagtatakda ng mga guidelines o panuntunan sa pagbuo ng mga tanggapan, pag-hire ng mga tauhan, at paglalaan ng pondo para matiyak ang maayos na operasyon ng Negros Island Region (NIR).
Ito ay batay sa Seksyon 4 ng Republic Act (RA) No. 12000 o NIR Act, na nag-aatas sa pagtatayo ng regional office ng ilang mga kagawaran o ahensya upang mapabuti ang serbisyo ng gobyerno sa bagong-likhang rehiyon.
Ayon kay DBM Secretary Amenah “Mina” F. Pangandaman, sa ilalim ng NIR Act inaasahang mas mapapabilis ang serbisyo sa komunidad.
Alinsunod sa batas, kailangang magkaroon sa Negros Occidental ng mga tanggapan ng gobyerno na may kaugnayan sa agrikultura, lupa, peace and order, seguridad, at pamamahala.
Samantala, nasa Negros Oriental naman ang mga tanggapan na nakatuon sa human development, imprastraktura, at industriya at paggawa.
Ang pondo para sa pang araw-araw na operasyon at pangangailangan sa imprastruktura ng mga tanggapan ng NIR ay manggagaling sa mga existing budgets ng mga kinauukulang kagawaran sa Rehiyon VI at VII.
Maaari ding maglaan ng karagdagang pondo ang mga ahensya kung kinakailangan.
Nakasaad rin sa circular ang mga mekanismo sa pagtatatag ng organizational structure at staffing pattern sa mga tanggapan ng NIR, kabilang ang paglilipat o pag-detail ng mga kasalukuyang kawani, pagtatalaga ng interim heads, at proseso sa pagpuno ng mga natitirang posisyon. (DDC)