Gunrunner timbog sa baril at granada sa Muntinlupa City

Napasakamay ng mga operatiba ng Southern Police District (SPD) ang isang gunrunner at nahulihan ng baril at granada sa ikinasang proactive entrapment operation sa Biazon Road, Barangay Poblacion, Muntinlupa City kahapon ng madaling araw ng Huwebes, Pebrero 20.
Kinilala ni SPD District Director, BGen Manuel J. Abrugena ang naarestong suspek na si alyas “Paul,” 32-anyos, e-bike driver at residente sa Brgy. Baclaran, Parañaque City.
Sa operasyong isinagawa para sa implementasyon ng nationwide gun ban bago ang National and Local Elections 2025, matagumpay na nadakip ng mga tauhan ng District Special Operations Unit (DSOU) sa kolaborasyon ng District Intelligence Division (DID), Intelligence Section, District Mobile Force Battalion (DMFB), at Muntinlupa City Police Station ang suspek na si alyas “Paul” sa aktong nagbebenta ng ilegal na baril.
Narekober ng otoridad ang caliber .45 pistol, magazine na kargado ng limang bala ng baril, granada, marked money, cellular phone, at sling bag.
Nasa kustodiya ng pulisya ang iniimbestigahang suspek na sinampahan ng mga kasong paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act of 2013), RA 9516 (Illegal Possession of Explosive) in relation to RA 7166, at Comelec Resolution 11067 o Gun Ban.
Ang matagumpay na buy-bust operation ay bunsod ng maigting na mga hakbang ng Philippine National Police upang labanan ang ilegal na baril na layuning mapigilan ang karahasang may kaugnayan sa eleksiyon at tiyakin ang kaligtasan ng publiko.
Patuloy na pinangungunahan ni BGen Abrugena ang SPD sa pangako nitong panatilihin ang peace and order at pigilin ang pagkalat ng ilegal na baril na maaaring gamitin sa mga kriminal na aktibidad at pananakot sa panahon ng halalan.(Bhelle Gamboa)