P8.8M na halaga ng shabu nakumpiska sa Makati buy-bust

P8.8M na halaga ng shabu nakumpiska sa Makati buy-bust

Tinatayang 1,300 na gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P8,840,000.00 ang nakumpiska ng otoridad at dalawang suspek ang nahuli sa ikinasang buy-bust operation sa Barangay San Antonio, Makati City.

Ang mga suspek ay kinilala sa mga alyas “Wewel,” 28-anyos, at alyas “Madam,” 28-anyos.

Sa isinagawang operasyon ng mga tauhan ng Makati City Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) nakabili umano ng droga na nagkakahalaga ng P1-milyon ang police poseur buyer sa mga suspek na nagresulta ng kanilang pagkaaresto at narekober ang karagdagang mga ebidensiyang umano’y shabu, mobile phone, shoe bag,eco bag, at buy-bust money.

Ang ikinasang operasyon ay sa pamamagitan ng liderato ni Col. Jean Dela Torre, hepe ng Makati CPS at masigasig na pagtutok nina BGen Anthony A. Aberin, Acting Regional Director ng National Capital Region Police Office (NCRPO)at BGen Manuel J. Abrugena, Director ng Southern Police District (SPD).

Inihahanda ng otoridad ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa dalawang suspek sa Makati City Prosecutor’s Office.

Samantala, pinuri ni BGen Abrugena ang operating team sa matagumpay na operasyon na sumasalamin sa hindi matatawarang pagganap ng kanilang tungkulin at binigyang-diin din nito ang importanteng pagpapanatili ng mga hakbang laban sa mga aktibidad ng ilegal na droga.

Hinimok din ng SPD chief ang publiko na manatiling mapanuri at suportahan ang mga hakbang ng mga tagapagpatupad ng batas sa pamamagitan ng pagrereport ng anumang kahina-hinalang aktibidad sa kanilang lugar.

Ayon pa kay BGen Abrugena na ang pagpapalakas sa kooperasyon ng sibilyan ang susi sa paglikha ng mas ligtas at drug-free na komunidad. (Bhelle Gamboa)

 

 

 

 

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *