BGen. Arguelles hinirang bilang bagong SPD Chief

May bagong Acting District Director ng Southern Police District sa katauhan ni Brigadier General Joseph R. Arguelles.
Sa pormal na pag-upo sa puwesto ni BGen Arguelles, nangako siyang pamumunuan ang SPD ng may integridad, disiplina at tunay na serbisyo publiko.
Si BGen Arguelles ay miyembro ng Philippine National Police Academy (PNPA) Patnubay Class of 1995, tubong probinsiya ng Oriental Mindoro.
Bitbit ng bagong SPD chief ang kanyang mayamang karanasan at matibay na pangakong pagseserbisyo sa mamamayan na nahubog sa higit dekadanf dedikasyon sa trabaho sa pulisya.
Bago ang pagkakatalaga nito sa SPD, nagsilbi siyang hepe ng Peace Process and Development Center (PPDC) na nakabase sa Camp Crame, Quezon City kung saan mahalagang ginampanan ang mga dayalogo at mga hakbang pangkapayapaan sa mga lugar na apektado ng kaguluhan.
Nagpasalamat si BGen Arguelles sa ipinagkaloob na tiwala sa kanya at binigyang-diin ang dedikasyon sa pagpapalakas ng police-community relations,pagsusulong sa karapatang pantao at pagpapaigting sa anti-criminality at anti-illegal drug operations sa katimugang bahagi ng Metro Manila.
Samantala, si outgoing SPD District Director BGen Manuel J. Abrugena,na miyembro rin ng PNPA Patnubay Class of 1995, ay itinalaga naman bilang Deputy Regional Director for Operations ng National Capital Region Police Office epektibo nitong Abril 4. Ang kanyang liderato sa SPD ay nagmarka ng mga tagumpay at lumakas ang kolaborasyon sa komunidad.
Ang leadership transition ay pagpapamalas sa pangako ng PNP sa pag-unalad ng propesyunal, patuloy na serbisyo publiko at pagpapanatili sa kapayapaan at kaayusan sa buong rehiyon.
Nasa hurisdiksyobn ng SPD ang mga lungsod sa Makati, Taguig, Pasay, Parañaque, Las Pin̈as, Muntinlupa, at bayan ng Pateros. At sa ilalim ng liderato ni BGen Arguelles, kumpiyansa ang PNP na mananatiling progreso at epektibo ang pagpapatupad ng batas sa buong rehiyon. (Bhelle Gamboa)