2nd ASEAN Regional Correctional Conference sa Palawan matagumpay

Naging matagumpay ang apat na araw na isinagawang 2nd ASEAN Regional Correctional Conference (ARCC) na pinangasiwaan ng Bureau of Corrections (BuCor) at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Puerto Princesa, Palawan nitong Pebrero 14-17.
Kinumpirma ni BuCor Director General Gregorio Pio Catapang Jr. na nagkasundo ang lahat ng delegado ng ARCC na kinabibilangan ng Thailand, Indonesia, Singapor, Brunei, Cambodia, Vietnam, Laos, Malaysia, Timor Leste, at Philippines para sa magandang kooperasyon, pagkakaibigan at solidaridad partikular sa pagbabahagi ng best practices sa correctional system.
Ayon pa kay Catapang determinado siyang dapat na matugunan ang mga suliranin sa BuCor lalo na’t napabayaan na ito sa loob ng 50 na taon.
Kabilang aniya rito ang pagtatayo ng mega prison at maging ng PEZA zone areas sa pamamagitan ng paggamit sa 1,000 ektaryang nakatiwangwang na lupa ng BuCor.
Matatandaan na binigyang-diin sa ARCC ni Department of Justice (DOJ) Undersecretary Deo Marco na kinatawan ni Justice Secretary Crispin Remulla, na ang organisasyon ay dedikado sa lalong makatao , epektibo at seguridad ng magagandang gawain sa mga kulungan.
Ayon kay Marco magsisilbing mahalagang plataporma ang ARCC para pagandahin ang internasyunal na kolaborasyon katulad ng United Nations Office on Drugs and Crime, International Committee on the Red Cross, at ng United Nations Asia and Far East Institute for the Prevention of Crime and Treatment of Offenders.
Ang matatag na suporta aniya mula sa ASEAN member nations ang mag-assisted sa Pilipinas upang maging angkop sa pagsasaayos ng reporma sa kulungan.
“As government officials, we are aware of the limitations imposed by our domestic legislation and the associated bureaucracy. While these frameworks ensure accountability and transparency, they can also present additional barriers to progress,” sabi ni Marco.
Nakatuon ang epektibong pagtugon sa larangan ng prison exchange, best practices sa prison health,pagpigil at paglaban sa karahasan,mga tungkulin sa pagmamasid sa ebalwasyon ng mga nakakulong, pinakamagagandang gawain sa parole at probation,at kapasidad ng paglikha ng best practices
Samantala binanggit ni Catapang ang mga makabagong pasilidad at pondo ng Singapore kung kaya maganda ang kanilang pamamahala sa kanilang correctional system.
Karamihan aniya sa mga nakakulong at sentensiyado ay may kasong kinalaman sa ilegal na droga kaya nais niyang isulong ang operasyon ng rehabilitation center sa Nueva Ecija.
Paliwanag ni Catapang marami ang nakakulong sa ilalim ng pasilidad ng BJMP partikular rito ang drug addict kung saan nais niyaang imungkahi na dalhin sa rehab center sa halip na sa kulungan idiretso habang dinidinig ang kanilang kaso sa korte at kung maayos na siya ay maaaring ibalik sa kanilang pamilya na layuning mapigilan ang pagkakakulong at maiwasan ang siksikan sa mga piitan.
Ang planong ito at iba pang panukala para sa ikabubuti ng kapakanan ng persons deprived of liberty (PDLs) ay idudulog ni Catapang sa DOJ at DILG. (Bhelle Gamboa)