QC LGU nagdeklara ng dengue outbreak

Nagdeklara ng dengue outbreak sa Quezon City makaraang makapagtala na ng 10 nasawi dahil sa sakit ngayong taon.
Ayon sa Quezon City Epidemiology and Surveilance Division, sa unang anim na linggo ng taong 2025, umabot na sa mahigit 1,000 ang kaso ng dengue sa lungsod at 10 ang nasawi.
Pito sa sampung nasawi ay nakaranas ng dengue warning signs habang 3 naman ang nakaranas ng severe dengue.
Paalala ng QC LGU, sa unang warning signs pa lamang ay dapat agad ng dalhin sa pinakamalapit na health cnter o ospital ang pasyente para agad malapatan ng lunas.
Ang warning signs ng dengue ay lumalabas kapag bumaba na ang lagnat ng taong tinamaan ng sakit.
Kabilang sa mga sintomas na maaaaring maranasan ang mga sumusunod:
– matinding pananakit ng tiyan
– paulit-ulit na pagsusuka
– pagdurugo ng ilong at gilagid
– pagsusuka at pagtatae na may kasamang dugo
– pamumutla at matinding uhaw
– panghihina at pagkapagod (DDC)