2nd ASEAN Regional Correctional Conference sa Puerto Princesa, Palawan umarangkada

Sinimulan na ng Bureau of Corrections (BuCor) sa kooperasyon ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang pangangasiwa sa ikalawang ASEAN Regional Correctional Conference (ARCC) sa Puerto Princesa, Palawan ngayong Biyernes, Pebrero 14 na magtatapos ng 17.
Mainit na tinanggap ni Bucor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. ang mga pinuno ng lahat ng ASEAN prison services mula sa Thailand, Indonesia, Singapore, Brunei, Cambodia, Vietnam, Laos, Malaysia, Timor Leste, at Philippines sa opisyal na pagbubukas ng kauna-unahang internasyunal na kumperensiya.
Ayon kay Catapang, muling pasisiglahin ang corrections system sa bansa para tiyakin ang rehabilitasyon, reintegrasyon at kapakanan ng persons deprived of liberty (PDLs).
Layunin ng ARCC na tugunan ang suliranin sa siksikan at pamamahala sa mga kulungan, at hamon sa kakapusan ng resources na kinakaharap ng mga kalahok na bansa.
Ipinagmalaki rin ng BuCor Chief sa ilalim nv kanyang liderato sa isinasagawang pagpapaluwag sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City bilang paghahanda sa pagsasara nito sa darating na taong 2028 kung saan nagpapatuloy ang paglilipat ng PDLs patungo sa iba’t ibang prisons and penal farms sa bansa.
Samantala kinumpirma rin ni Catapang na isusulong ng BuCor ang pagpapaunlad sa Palawan bilang susunod sa Singapore, kung saan ito ay magiging sentro ng food security hub ng ating bansa, lilikha ng maraming pamumuhunan o investments na magbibigay ng maraming magagandang oportunidad na trabaho para sa mamamayan kasama ang PDLs na lalong magpapalago ng ekonomiya ng bansa, at asahan ang mas mayabong na turismo.
Itataguyod aniya ng ahensiya ang mga komprehensibong hakbang pangkaunlaran para sa Palawan at gagamitin ang mga nakatiwangwang na lupa ng BuCor upang isakatuparan ang magagandang planong ito tungo sa ikauunlad ng probinsiya katuwang ang gobyerno at iba pang kaugnay na ahensiya ng pamahalaan. (Bhelle Gamboa)