52 pang OFWs at bata mula Lebanon nakauwi na sa bansa

Sinalubong ng buong team ng gobyerno ang pagbabalik-bansa ng 52 overseas Filipino workers (OFWs) at isang bata galing Lebanon, sa kanilang ligtas na pagdating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sa Pasay City via Qatar Airways flight QR 932.
Ang repatriation ay parte ng nagpapatuloy na hakbang ng gobyerno na asistehan ang mga apektadong OFWs sa tumitinding tensiyon sa Middle East alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Karamihan sa mga umuwing kababayan ay nanuluyan sa shelter sa Beirut sa ilalim ng suporta ng DMW at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Personal silang sinalubong nina DMW Assistant Secretary Levinson C. Alcantara kasama ang mga kinatawan ng OWWA at Department of Health (DOH).
Tumanggap ang lahat ng manggagawa ng agarang tulong pinansiyal, medikal at airport assistance na bahagi ng koordinadong hakbang ng buong government team na kinabibilangan ng DFA, DMW-OWWA, DOH, Department of Social Welfare and Development (DSWD), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Magkakaloob din ang DMW’s National Reintegration Center for OFWs (NRCO) ng suporta sa pagpapayabong ng kakayanan at matatag na reintegrasyon kasama ang livelihood assistance at skills training para sa OFWs o miyembro ng kanilang pamilya upang magkaroon sila ng maayos na pagsasama-sama sa mga komunidad. (Bhele Gamboa)