2 suspek arestado, P488K na halaga ng shabu nakumpiska sa Taguig drug-busts

Sa patuloy na crackdown laban sa ilegal na droga, naaresto ng Taguig City Police ang dalawang lalaking suspek at nakumpiska ang ₱488,000 na halaga ng hinihinalang shabu sa hiwalay na buy-bust operations sa sa lungsod.
Base sa ulat unang nagsagawa ng buy-bust operation ang otoridad sa ilalim ng superbisyon ni Col. Joey T. Goforth, hepe ng Taguig PNP, sa Barangay Maharlika Village, na nagresulta ng pagkaaresto ng suspek na si alyas “Fahad,” 29-anyos, security guard, isang High-Value Individual (HVI), at narekober ang 51.7 na gramo ng umano’y shabu na nagkakahalaga ng ₱351,560.00, buy-bust money, at pouch.
Sa operasyon ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa Barangay Rizal nadakip naman ang suspek na si alyas “Jon-Jon,” 40-anyos, tricycle driver, at nasamsam ang tinatayang 20.2 gramo ng umano’y shabu na may halagang ₱137,360.00 at buy-bust money.
Ang mga nakumpiskang ebidensiya ay itinurn-over sa Southern Police District (SPD) Forensic Unit para sa laboratory examination.
Inihahanda ng otoridad ang pagsasampa ng kasong paglabag sa R.A. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) laban sa dalawang suspek sa Taguig City Prosecutor’s Office.
Pinuri naman ni SPD District Director, BGen Manuel J. Abrugena Jr., ang Taguig City Police sa walang tigil na mga hakbang sa paglaban sa ilegal na droga.
“These successful operations are a testament to our unwavering commitment to eradicating illegal drugs in our communities. We urge the public to stay vigilant and report any suspicious activities. Together, we can create a safer and drug-free environment for everyone,” ani BGen Abrugena. (Bhelle Gamboa)