Resto owners ikinabahala ang paglaganap ng pekeng PWD ID

Nagpahayag ng pagkabahala ang grupo ng mga restaurant owner sa paglaganap ng pekeng PWD cards.
Sa inilabas na pahayag ng Restaurant Owners of the Philippines ang orihinal na layunin ng PWD cards ay para masuportahan ang mga tunay na nangangailangan nito.
Gayunman, dahil sa paglaganap ng pekeng PWD ID, nakakaapekto na ito sa mga restaurant at iba pang negosyo.
Ayon sa pahayag, maraming hindi nakakaalam na ang 20 percent discount na ibinibigay ay hindi sinasagot ng gobyerno kundi kabawasan ito mismo sa mga establisyimento.
At malaking kawalan umano ito lalo na sa mga restaurant na hindi naman kalakihan.
Kung maraming pekeng PWD cards ang ginagamit sa single table, mas lalong malaking pagkalugi ang hatid nito sa negosyo.
Ayon sa pahayag, umaasa silang masosolusyonan ang problema upang ang diskwento ay maibigay sa tunay na nararapat makakuha nito at matulungan ang mga maliliit na negosyo na hindi mauwi sa pagsasara. (DDC)