80th Liberation Anniversary ng Las Piñas ginugunita

Ipinagdiriwang ngayong Martes, Pebrero 4 ang ika-80 anibersaryo ng paglaya ng Las Piñas mula sa mga Hapones noong ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Ang selebrasyon ay ginanap sa bantayog ng mga beterano na matatagpuan sa ilalim ng Zapote Flyover kung saan nakiisa sa kaganapan ang bumubuo ng Veterans Federation of the Philippines – Las Piñas District sa pamumuno ni Pres. Vet Roberto C. Fernandez, ang tanggapan ng Turismo at Kultura na pinamumunuan ni Ginoong Paul Ahljay M. San Miguel, at ng Barangay Zapote na pinangunahan ni Capt. Donato Gonzalez.
Sinimulan ito ng isang misa ng pasasalamat bilang alay sa mga beteranong Las Piñero na sinundan ng pag-aalay ng mga bulaklak sa mga beteranong naka-ukit ang kanilang pangalan sa naturang mahalagang bantayog sa lugar.
Ayon kay San Miguel ang taunang paggunita ay isang tanda ng pagbibigay galang, respeto at pag-alala sa mga beteranong nagsakripisyo para makamit ang paglaya ng Las Piñas. (Bhelle Gamboa)