AFP nakabantay sa tatlong barko ng China na nasa bahagi ng West PH Sea

Masusing binabantayan ng Western Mindanao Command (WMC) ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang galaw ng tatlong Navy vessels ng Chinese People’s Liberation Army (PLA) na nasa loob ng karagatang sakop ng Pilipinas.
Ayon sa WestMinCom, ang nasabing mga barko ay unang na-monitor na naglalayag sa West Philippine Sea (WPS) noong February 2 at naglayag patungo sa bahagi ng Sulu Sea.
Ayon sa AFP ang talong barko ng PLA vessels ay ang Renhai Class Cruiser Guided Missile, Jiankai Class Frigate II, at isang Type 903 Fuchi Class Replenishment Oiler.
Ayon sa AFP, sa ilalim ng archipelagic sea lanes of communications (ASLOCs), pinapayagan ang pagdaan ng nasabing mga sasakyang pandagat kung sila ay susunod sa national at international laws and procedures na nagtatakda ng transits at innocent passage.
Gayunman, ayon sa AFP, ang nasabing mga barko ng China ay naglayag sa lugar nang walang diplomatic coordination.
Kapansin-pansin din ang mabagal na pag-usad ng mga barko.
Para masiguro ang maritime security, nag-deploy ang AFP ng dalawang aircraft ng Philippine Air Force.
Ipinadala din ang dalawang barko ng Philippine Navy para magsagawa ng radio challenge at shadowing sa mga barko ng PLA Navy.
Tumugon naman ang PLA Navy at iginiit ang freedom of navigation at innocent passage.
Ayon sa AFP, patuloy na babantayan ng Philippine Navy ang galaw ng mga barko. (DDC)