Pagpapalabas sa sinehan ng ‘Pepsi Paloma’ movie, hindi matutuloy sa Feb. 5

Hindi matutuloy ang pagpapalabas sa mga sinehan ng ‘Pepsi Paloma’ movie sa Feb. 5.
Ayon sa filmmaker na si Darry Yap, bigo silang makumpleto ang mga dokumento na kinakailangang isumite sa Movie and Television Review and Classification Board o MTRCB.
“Ipinaaabot ko po sa lahat ng nakasubaybay na bigo po ang panig ng inyong lingkod na agarang makumpleto ang mga dokumentong hinihingi ng pamunuan ng MTRCB,” ayon sa pahayag ni Yap.
Dahil dito, ayon kay Yap imposibleng mapalabas sa mga sinehan ang pelikula sa target na petsa.
Sinabi ni Yap na sa ngayon, pinag-iisapan niya ang posibilidad na unang ipalabas ito sa ibang bansa o kaya naman ay ipagpaliban na ng tuluyan ang pagpapalabas sa sinehan at sa halip ay mag-focus na lamang sa streaming platforms.
Tiniyak naman ni Yap na agad magbibigay ng impormasyon sa publiko hinggil sa update sa pelikula. (DDC)