PWD na lola patay sa sunog sa Muntinlupa, 4 na iba pa ang sugatan

Patay ang 75-anyos na babaeng person with disability (PWD) habang apat pang sibilyan ang nasugatan sa naganap na sunog sa isang residential area sa Muntinlupa City ngayong Huwebes, Enero 30.
Hindi nakalabas ng buhay ang senior citizen na biktima matapos masuffocate sa nasusunog niyang tirahan buhat sa ikalawang palapag na bahay habang apat na sibilyan naman ang iniulat na nagtamo ng minor injuries sa insidente.
Batay sa ulat ng Muntinlupa City Fire Station-Fire Department III, dakong alas-10:20 ng umaga sumiklab ang apoy sa bahay ng isang Ernesto Vibora Sr. sa Marquez Compound, Putatan Itaas, Summitville, Barangay Putatan sa lungsod.
Umabot sa ikalawang alarma ang sunog at naapula ito bandang alas-11:09 ng umaga sa deklarasyon ni Fire Supt. Rowena Gollod sa tulong ng maagap na pagresponde ng mga pamatay sunog at fire volunteers.
Ayon sa report, nasa 15 na bahay ang nasunog at tinatayang P750,000 na halaga ng ari-arian ang napinsala.
Iniimbestigahan pa ng otoridad ang sanhi ng sunog sa lugar. (Bhelle Gamboa)