2nd ASEAN Regional Correctional Conference isasagawa ng BuCor sa Palawan sa Pebrero 14-17

Nakatakdang isagawa ng Bureau of Corrections (BuCor) sa kooperasyon ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang ikalawang ASEAN Regional Correctional Conference (ARCC) sa Puerto Princesa, Palawan sa darating na Pebrero 14 hanggang 17.
Sinabi ni Bucor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. na ang kumperensiya ay may temang “Shaping the Future of Corrections Together,” na naglalayong pagsama-samahin ang mga pinuno ng lahat ng ASEAN prison services upang talakayin ang karaniwang mga hamon at ibahagi ang best practices mula sa sampung (10) kasaling bansa na kinabibilangan ng Thailand, Indonesia, Singapore, Brunei, Cambodia, Vietnam, Laos, Malaysia, Timor Leste, at Philippines.
Ayon kay Catapang, ito ang kauna-unahang punong-abala ang BuCor sa international conference at panahon kung saan ang Department of Justice sa ilalim ng liderato ni Justice Secretary Crispin Remulla, ang mother agency ng BuCor, ay muling pasiglahin ang corrections system sa bansa para tiyakin ang kapakanan ng binabagong persons deprived of liberty (PDLs).
Ang ARCC ay magbibigay ng mahalagang venue upang tugunan ang lumalaking mga hamon sa siksikan sa kulungan at kakulangan ng mapagkukunan o resources na kinakaharap ng mga kalahok na bansa at matuto sa isa’t isa habang tinatalakay ang mga hakbang at solusyon para sa pagpapaganda ng kalidad ng mga serbisyo sa piitan, ayon pa kay Catapang at idinagdag na isa itong plataporma na ipakilala ang mga inobasyon at bagong teknolohiya para pagandahin ang pamamahala sa kulungan.
Sinabi pa ni Catapang na aabot sa 28 na mga internasyunal na organisasyon na inaanyayahan na makibahagi sa kumperensiya kasama na ang United Nations Office on Drugs and Crime, International Committee of the Red Cross, United Nations Asia and Far East Institute for the Prevention of Crime and the Treatment of Offenders, European Union – Justice Sector Reform Program: Governance in Just (GOJUST), at International Criminal Investigative Training Assistance Program.
Idinagdag pa ng BuCor chief na ang gobyerno at iba pang kaugnay na ahensiya, maging ng mga mambabatas ay inimbitahan din sa kumperensiya. (Bhelle Gamboa)