Publikong programa, reporma sa buwis at bagong proyektong ‘Pabahay’ tinalakay ng Las Piñas Sanggunian

Tinalakay ng Sangguniang Panlungsod ng Las Piñas sa pangunguna ni Vice Mayor at Presiding Officer April Aguilar ang ilang bagong endorso sa pagpapaganda ng mga serbisyo sa mamamayan, mga benepisyo ng mga empleyado, at kaunlaran ng lungsod sa ginanap na ika-113 na regular na sesyon.
Kasama sa mahahalagang panukala ang Memorandum of Agreement (MOA) para sa Las Piñas City Libreng Libing and Free Cremation Program service providers na magbibigay ng libreng libing at cremation services para sa mga kuwalipikadong residente.Ang inisyatibang ito ay naglalayong pagaanin ang pasanin sa pinansiyal ng mga pamilya sa panahon ng kanilang pagdadalamhati.
Masinsinang pinag-usapan din ng City Council ang mungkahing ordinansa na amyendahan ang City Ordinance No. 1522-18 para sa update ng hazard allowance ng mga tauhan ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO). Ang pag-amyenda ay nagbigay-diin sa pagkilala ng lungsod sa mga panganib na kinakaharap ng CSWDO personnel sa kanilang pang-araw araw na trabaho.
Nirebyu rin ang mga aplikasyon sa locational clearance ng panukalang residential projects: Starville Homes Homeowners Association Inc. sa Barangay Pulanglupa Dos at Blessed Barnyard Properties Corp. sa Barangay Talon Singko na naglalayong tumulong sa paglago ng housing sector.
Karagdagang mga endorso ay ang kahilingan sa muling pagklasipika sa land use para sa specific properties sa Barangays Talon Uno at Talon Singko mula sa residential patungong commercial use, na suporta sa mga hakbang ng lokal na pamahalaan para sa lumalagong ekonomiya at kinakailangan sa negosyo.
Binigyang-pansin din sa sesyon ang mga pangunahing rekomendasyon ng komite na aprubahan buhat sa nakalipas na session kabilang ang Service Recognition Incentives (SRI) para sa lahat ng regular at casual city employees sa ilalim ng Administrative Order No. 27; Tax Amnesty on Penalties and Interests ng delingkwenteng real property taxes alinsunod sa Republic Act No. 12001, at amyenda sa Children’s Code na nakatuon sa depinisyon ng “Fully-Immunized Child” at pagandahin ang mga serbisyo sa pagbubuntis at kalusugan ng mga bata.
Ang sesyon na ito ay sumasalamin sa pagtuon ng konseho sa social welfare, urban planning, at community development initiatives para sa mga residente ng Las Piñas. (Bhelle Gamboa)