Pagtatatag ng economic zone sa Palawan pinagtibay ng BuCor at PEZA

Pagtatatag ng economic zone sa Palawan pinagtibay ng BuCor at PEZA

Nagkaisa ang Bureau of Corrections (Bucor) at ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA) na ipanawagan sa National Economic Development Authority (NEDA) na isama ang isla ng mga probinsiya ng Region 4-B o MIMAROPA bilang parte ng Luzon Economic Growth area kung saan matatagpuan rito ang Iwahig at Sablayan Prisons and Penal Farms.

Pinagtibay ng dalawang ahensiya ang kanilang partnership sa pamamagitan ng paglagda sa memorandum of agreement para sa pagtatatag ng economic zone sa Iwahig Prison and Penal Farm (IPPF) sa Puerto Princesa, Palawan sa ginanap na simpleng seremonya sa tanggapan ng PEZA sa Pasay City.

Ang Luzon Economic Growth Area ay pangunahing binabanggit na “Luzon Economic Corridor”na pumapalibot sa gitnang at hilagang bahagi ng Luzon kabilang ang key urban at industrial zones gaya ng Metro Manila, Batangas, at Central Luzon, na ikinukonsiderang major economic hub.

Sinabi ni Bucor Director General Gregorio Pio Catapang Jr. na kasunod ng pahayag ni PEZA Director General Tereso Panga na iminumungkahi niyang ang Palawan ay maaaring maging susunod na Singapore, na ito ay naaangkop na maisama sa probinsiya ang Luzon Economic Corridor.

Sa paliwanag nito, layunin ng komprehensibong planong pangkaunlaran para sa Palawan na isulong ang malinis,luntian at teknolohiyang pangkapaligiran na naaayon sa kanilang adhikain sa probinsiya.Ang inisyatibang ito ay upang itatag ang Palawan bilang bagong hangganan ng Agri-Agro Industrial Development na umuugnay sa Brunei Darussalam–Indonesia–Malaysia–Philippines East ASEAN Growth Area (BIMP-EAGA), na dinisenyo para sa pag-angat ng socioeconomic development sa mga hindi pa masyadong maunlad na rehiyon.

Ang paglago ng ASEAN’s economic development sa Brunei Darussalam, Indonesia, Malaysia, at Philippines sa East ASEAN Growth Area ay nakatuon sa sa pagpapahusay ng mga oportunidad sa kalakalan, turismo, at pamumuhunan sa Palawan at Mindanao.

Ibinunyag pa ni Catapang na ang planong pagpapaunlad sa Palawan kasama ang pagtatayo ng Aerotropolis ay lumalarawan bilang sentrong lungsod sa palibot ng bagong airport na inaasahang dalawang beses ang laki ng NAIA na magbibigay ng direktang international flights patungong Palawan (may lawak na 1,200 na ektarya) para sa mga interesadong airline na maka-access sa rehiyon ng direkta.

Magkakaroon din ng Agropolis na kokonekta sa agricultural at food systems hanggang sa urban centers upang tiyakin ang food security o seguridad ng pagkain sa bansa. Itatayo rin ang Aqua Marine Special Economic Zone upang suportahan ang international shipping at mapabuti ang food security. Kasama rin sa mga plano ang paglika ng Ecopolis, isang integrated, resilient, at sustainable urban space na nakatuon sa commercial, business, at financial services.

Inihayag ni Catapang na ang kanilang pinirmahang MOA ay pinagsama-samang hakbang upang pagandahin ang 2,191.02 na ektarya na lupang nakatiwangwang ng BuCor para gawing produktibong economic zones na makalilikha ng maraming trabaho partikular sa rural areas kung saan mapapahusay nito sa kabuuan at ang kita ng indibiduwal hindi lamang sa mga lokal na komunidad kundi maging ng persons deprived of liberty (PDLs) na prayoridad ng BuCor.

Ang kasunduan ay nagbigay ng otoridad sa PEZA na magdevelop,mag-operate, at mamahala ng mga hindi masyadong nagagamit na lupa bilang Special Economic Zone (SEZ) sa inisyal na 50 na taon na may posibilidad ng renewal para sa karagdagang 25-taon.

“This partnership is not just a strategic endeavor to revitalize land use but it also aligns with the broader goals set forth in the Philippine Economic Development Plan 2023-2028 and the government’s vision encapsulated in “Ambisyon Natin 2040,” ayon kay PEZA Director General Tereso Panga.

Sinabi ni Panga na ang ganitong mga polisiya ay nagbibigay-diin sa pagtaas ng daloy ng pamumuhunan o investment sa ecozones kaya mapapahusay nito ang rural economies at makalikha ng mga oportunidad na trabaho sa pamamagitan ng makabagong SEZ models kasama ang Agro-forestry Ecozones, Aquamarine Parks, at maraming iba pa.

Idinagdag pa ni Catapang na ang kasunduan ay magtataguyod sa mandato ng BuCor na nakabalangkas sa Bureau of Corrections Act of 2013 o mas kilala sa tawag na Bucor Modernization Act upang gamitin ang mga lupa nito hindi lamang para sa rehabilitasyon ng inmate kundi sa paglikha ng matatag na mga oportunidad sa ekonomiya.

Nangako ang BuCor at PEZA na siguruhin ang proyektong ito hindi lamang sa pagsunod sa legal frameworks na sumasaklaw sa mga operasyon kundi maging ang epektibong pakikipag-ugnay sa mga lokal na komunidad at stakeholders tungo sa matatag na kaunlaran. Kapag naayos na ang Iwahig Mega Economic Zone, ang katuparan sa mga pangako nitong magsilbing bagong panahon ng aktibidad sa ekonomiya sa rehiyon,pangkalahatang mag-aambag ng kaunlaran sa PDLs habang mabebenepisyuhan ng maganda ang nakapaligid na mga komunidad. (Bhelle Gamboa)

 

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *