P4.8 milyong halaga ng shabu nakumpiska, high-value suspect arestado sa Taguig buy-bust ops

P4.8 milyong halaga ng shabu nakumpiska, high-value suspect arestado sa Taguig buy-bust ops

Tinatayang 708.5 na gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng 4,817,800.00 ang nakumpiska ng Taguig City Police at naaresto ang isang babaeng high-value suspect sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay South Signal sa lungsod.

Nakakulong ngayon ang suspek na si alyas Sherhana, 32-anyos, sa Taguig City Police Station Custodial Facility.

Ayon sa report, pinangunahan ng SDEU ang operasyon sa lugar na nagresulta ng pagkaaresto ng suspek at nakumpiska ang umano’y ilegal na droga,marked money, at paper bag na pinaniniwalaang ginamit sa transaksiyon.

Inihahanda ng otoridad ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa babaeng suspek.

Ang tagumpay ng operasyong ito ay nagbigay-diin sa hindi matatawarang paninindigan ng law enforcement agencies na labanan ang ilegal na droga.

Nangako ang otoridad na pananatilihin at paiigtingin nito ang mga hakbang upang tugisin ang mga indibiduwal na sangkot sa ilegal na operasyon at pagpapakalat ng droga.

“This operation underscores our dedication to safeguarding our communities from the devastating impact of illegal drugs,” pahayag ni Southern Police District (SPD) District Director BGen Manuel J. Abrugena.

Hinikayat ng SPD chief ang publiko na aktibong salihan ang anti-drug campaign ng gobyerno sa pamamagitan ng pag-uulat ng mga kahina-hinalang aktibidad sa kanilang lugar. Ang pinagsama-samang mapanuri ng mga tagapagpatupad ng batas at mamamayab ay magbibigay daan sa mas ligtas at drug-free na lipunan. (Bhelle Gamboa)

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *