DSWD magbibigay ng psychosocial support sa batang nasa viral video na sinaktan ng isang security guard

Nakahandang magbigay ng psychosocial support ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa batang estudyante na nasa viral video na sinasaktan ng security guard.
Inatasan ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang Field Office – National Capital Region ng ahensya upang hanapin at lapitan ang pamilya ng batang menor de edad na nagtitinda ng sampaguita sa harap ng SM Megamall sa Mandaluyong City para sa agarang tulong na maibibigay ng ahensya partikular na ang psychosocial support.
Nagbigay din ng direktiba ang DSWD chief sa FO-NCR na makipagusap sa SM management para sa posibleng pagbibigay ng tulong upang gabayan at mabigyan ng training ang mga empleyado nito kung paano i-trato ng tama ang mga bata .
Samantala, sa pahayag naman ni DSWD spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao, sinabi nito ang katiyakan na mabigyan ng proteksyon ang mga bata laban sa lahat ng anyo ng pangaabuso.
Una nang sinabi ng pamunuan ng SM na sinibak na ang nasabing gwardya na sangkot sa viral video.
Ito ay makaraang makita sa video ang pagsira nya sa tindang bulaklak ng bata at pananakit dito. (DDC)