2 high-value drug pushers, arestado sa P680K na halaga ng ‘shabu’ sa Taguig City
Dalawang high-value drug pushers ang nadakip ng otoridad at nakumpiska ang ₱680,000 na halaga ng umano’y shabu sa buy-bust operation sa Taguig City.
Ang mga naarestong suspek ay kinilalang sina alyas Sheila, 27-anyos, at alyas Michael, 33-anyos.
Nagsagawa ng operasyon ang Southern Police District’s Drug Enforcement Unit (DDEU-SPD) sa kolaborasyon ng District Intelligence Division (DID-SPD) at Sub-Station 9 ng Taguig City Police Station, malapit sa isang convenience store sa Barangay New Lower Bicutan sa lungsod.
Nakumpiska sa gitna ng operasyon ang tinatayang 100 na gramo ng hinihinalang shabu, buy-bust money at Android smartphone.
Ang narekober na ebidensiya ay dadalhin sa Southern Police District Forensic Unit para sa chemical analysis.
Inihahanda ng otoridad ang pagsasampa ng paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) laban sa dalawang suspek. (Bhelle Gamboa)