3 suspek timbog sa hiwalay na anti-drug at firearm ops sa Taguig City
Naaresto ng Taguig City Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang tatlong indibiduwal kasama ang dalawang high-value targets sa hiwalay na anti-drug at firearms operations na nagresulta ng pagkakumpiska ng mahigit 100 gramo ng hinihinalang methamphetamine hydrochloride o shabu at dalawang baril sa Barangay Napindan sa nasabing lungsod.
Ang mga suspek ay kinilalang sina alyas Michael, 43-anyos, at alyas Gapor, 29-anyos, kapwa nahaharap sa mga paglabag sa Republic Act (RA) 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act), RA 10591 (Illegal Possession of Firearms), at Section 261 of the Omnibus Election Code.
Nakumpiska ng otoridad ang 51.3 gramo ng umano’y shabu na nagkakahalaga ng P348,840.00; buy-bust money;black wallet; BERSA THUNDER 9 Ultra 9 millimeter (mm); ARMSCOR 9mm; dalawang magazine ng 9mm; sampung bala ng naturang baril at silver gray Toyota Vios na ginamit ng mga suspek.
Makalipas ang 30 na minuto, nagkasa naman ang SDEU ng operasyon sa Barangay Lower Bicutan na ikinaaresto ng suspek na si alyas Abdul, 46-anyos, isang high-value individual matapos marekober mula sa kanya ang 57.7 gramo ng “shabu” na nagkakahalaga ng P392,360.00,buy-bust money, at gray coin purse na naglalaman ng hinihinalang illegal substances.
Ayon sa report, nasa kabuuang 109 gramo ng ilegal na droga na aabot sa Standard Drug Price Value na P741,200.00 ang naalis ng otoridad mula sa sirkulasyon dahil sa matagumpay na mga operasyon ng Taguig City Police upang resolbahin ang mga kriminal na aktibidad at ipatupad ang batas.
“We are pleased to announce that through the relentless efforts of our officers on the ground, we successfully apprehended these suspects who now face charges for violation of the Comprehensive Dangerous Drugs Act (RA 9165) and related laws. I also want to extend our gratitude to the public for their vital support in reporting suspicious activities. It is through our collective vigilance and cooperation that we continue to make significant strides in the fight against crime,” sabi ni BGen Manuel J. Abrugena, District Director ng Southern Police District.
Aniya ang operasyong ito ay patunay sa hindi matatawarang dedikasyon ng Taguig PNP na tiyakin ang kaligtasan at kapakanan ng komunidad, na isang pangako ng napakahusay na liderato at serbisyo publiko. (Bhelle Gamboa)