2 suspek sa “Rent-Tangay” modus, arestado sa Antipolo City
Arestado ng mga tauhan ng Rizal Provincial Highway Patrol Team at Antipolo Component City Police Station ang dalawang lalaki na sangkot sa pagtangay ng isang van.
Na-recover din ng mga otoridad ang tinangay na van ng mga susoek sa bahagi ng Sitio Tanza 1, Brgy. San Jose, Antipolo City.
Sa ulat na natanggap ni Police Colonel Felipe Maraggun, Provincial Director ng Rizal Police, noong Enero 12, nirentahan ng mga suspek ang van para gamitin umano sa kasalan sa Batangas.
Base sa kasunduan, ibabalik dapat ang van gabi ng January 13, 2025, gayunman, hindi naisauli ang sasakyan at hindi na rin matawagan ang mga suspek.
Sa tulong ng Global Positioning Sytem (GPS) ng sasakyan ay natunton ng biktima ang lokasyon nito kaya agad silang humingi ng tulong sa pulisya.
Nang puntahan ang lugar, nadatnan ang pira-piraso nang sasakyan sa loob ng isang compound.
Ang mga suspek na sina Alyas Bads, 28-anyos at Alyas Josh, 20-anyos ay nahuli naman sa akto habang inilalagay ang mga chop-chop na parte ng mga sasakyan sa loob ng isang L300.
Hawak na ng Antipolo Component City Police Station Custodial Facility ang mga arestadong suspek habang pinaghahanap pa ang iba pang suspek na nagkaroon ng transaksyon sa biktima. (DDC)