Andas na ginamit sa Traslacion, gawang Las Piñas
Ipinagmamalaki ng Las Pin̈as City Cultural and Tourism Office na ginawa sa lungsod ang andas na ginamit sa Traslacion ng Itim na Nazareno nitong Enero 9.
Binisita ng tanggapan ng Turismo at Kultura ng lungsod ang andas na ginamit sa translacion o paglilipat ng imahen na inuumpisahan sa Intramuros na dati nitong lokasyon hanggang sa simbahan ng Quiapo para sa paggunita ng kapistahan ng Itim na Nazareno.
Ang makasaysayang andas ay isang obra mula sa kilalang planta ng mga dyip sa lungsod na Sarao Motors – Jeepney.
Ang Sarao Motors Inc. ay ang pagawaan ng dyip kung saan nabigyan ng pagkakataon upang maging pangunahing tagapaggawa ng ginagamit na andas taun-taon.
Magmula pa noong 1950s hanggang sa paggunita ngayong taon, ang kanilang gawa ang ginagamit upang bigyan ng proteksyon at masaksihan ng bawat isang deboto ang imahen ng Nuestro Padre Jesus Nazareno.
Ang Traslacion na ito ay ayon sa pag-uutos ng Arsobispo ng Maynila magmula pa noong 1787. (Bhelle Gamboa)