Mga nasunugan at binaha sa Las Piñas inayudahan ng DSWD
Aabot sa 253 na indibiduwal na naapektuhan ng sunog at baha sa Las Pin̈as City ang nakatanggap ng livelihood settlement grants mula sa Department of Social Welfare and Development-National Capital Region (DSWD-NCR) sa partnership ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO), na isinagawa sa Las Piñas Multipurpose Hall.
Kasama sa mga benepisyaryo ang 86 na nasunugan mula sa Barangays Elias Aldana, Pilar, Talon Tres, at CAA, at 167 namang nabaha buhat sa Brgys Pamplona Tres, Talon Tres, at Elias Aldana.
Bawat benepisyaryo ay tumanggap ng financial assistance na ₱10,000 hanggang ₱15,000 depende sa resulta ng balidasyon ng DSWD-NCR.
Layunin ng grant na suportahan ang mga indibiduwal na may maliit na negosyo o kabuhayan na naapektuhan ng nasabing kalamidad.
Ang proseso ng pay-out ay pinangasiwaan ng CSWDO at DSWD-NCR personnel upang ang maayos at direktang ihatid ang ayuda sa mga kuwalipikadong benepisyaryo.
Binigyang-diin ng inisyatibong ito ang dedikasyon ng Pamahalaang Lungsod at epektibong pagtulong sa mga residenteng apektado ng mga kalamidad upang makabangon at muling itayo ang kanilang kabuhayan. (Bhelle Gamboa)