DMW nagbabala sa pekeng trabaho bilang “call center agent” sa ibang bansa na iniaalok sa social media
Naglabas ng abiso ang Anti-Illegal Recruitment and Trafficking in Persons Program ng Department of Migrant Workers (DMW) hinggil sa mga alok na agaran at libreng pag-aabroad bilang call center agent.
Ayon sa babala, may mga kumakalat na post sa social media ng trabaho sa ibang bansa bilang call center agent.
Nakasaad sa mga post na sasahod ng hanggang P45,000 kada buwan ang mga mare-recruit na Sales Marketing maliban pa sa komisyon.
Pero modus umano ng nasa likod ng recruitment ang pagpapadala sa mga biktima sa Thailand, Singapore, o Vietnam bilang on-the-spot tourists at kalaunan ay dadalhin sa Cambodia, Myanmar, o Laos para magtrabaho bilang “scammer”.
Pinapayuhan ng DMW ang publiko na mag-verify ng mga job offers at maging mapanuri upang maiwasan ang pagiging biktima ng mga illegal recruiter.
Dapat ding agad na i-report ang mga ganitong kaso sa airtipinfo@dmw.gov.ph o sa DMW Facebook page na DMW Anti-Illegal Recruitment and Trafficking in Persons Program. (DDC)