P72.8M na halaga ng shabu nakumpiska sa abandonadong bagahe sa NAIA
Isang abandonadong bagahe ang nasabat sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na naglalaman ng mahigit 10,700 na gramo ng hinihinalang shabu.
Ikinasa ng mga tauhan ng Bureau of Customs-Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA), sa pakikipagtulugan sa NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (IADITG), ang operasyon matapos makita ang kahina-hinalang bagahe na inabandona ng may-ari nito.
Nang buksan ang bagahe ay natuklasan ang mga ilegal na droga na nagkakahalaga ng P72,800,800.
Ayon sa mga otoridad, ang bagahe ay pag-aari ng isang pasahero na bumiyahe mula South Africa at nag-stopover sa Doha, Qatar bago dumating sa Manila.
Laman ng bagahe ang mga improvised pouche na gawa sa packaging tape at binalutan ng itim na carbon paper, at saka isinilid sa limang handbags, apat na file organizer bags, at isang portfolio bag.
Ang mga nakumpiskang ilegal na droga ay dinala na sa PDEA. (DDC)