DA, DTI nag-inspeksyon sa mga pamilihan sa QC

Nagsagawa ng monitoring ang Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) sa presyo ng agricultural products sa mga pamilihan sa Quezon City
Pinangunahan nina Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. at Trade Secretary Ma. Cristina A. Roque ang Special Joint Market Monitoring sa Murphy Public Market at sa SM Hypermarket sa Cubao.
Sa Murphy Public Market mayroong Kadiwa ng Pangulo (KNP) Rice-for-All (RFA) kiosk na nagbebenta ng bigas na P36 per kilo at P40 per kilo.
Tiniyak ni Tiu Laurel sa publiko na kahit mura ang mga bigas na ibinebenta sa Kadiwa ng Pangulo ay nakapasa sa quality standards bago inilabas sa merkado.
“Hindi natin gustong pababain nang pababain masyado ang presyo ng bigas sa average price dahil at the end of the day, ang importante rin ay kumita ang ating farmers. Pag sila hindi na kumita, hindi na sila magtanim, mas malaking problema yan,” ayon sa kalihim.
Target ng DA na makipagtulungan sa mga alkalde sa Metro Manila upang makapagbenta ng murang bigas sa iba pang mga pamilihan simula sa susunod na buwan.
Sa ginawang market monitoring kabilang sa tinignan ang mga designated “Timbangan ng Bayan,” ang bilihan ng mga bigas, karne, poultry, isda, gulay at iba pa.
Ginagawa ang regular marketing monitoring ng DA at DTI para masiguro ang mura at de kalidad na pagkain na ibinebenta sa merkado. (DDC)