DA nagpatupad ng temporary ban sa pag-aangkat ng domestic at wild birds mula New Zealand
Nagpatupad ng ban ang Department of Agriculture (DA) sa pag-aangkat ng ibon sa New Zealand.
Sakop ng import ban ang lahat ng uri ng domestic at wild birds kasunod ng napaulat na avian influenza outbreak sa nasabing bansa.
Sa memorandum order No. 01, na nilagdaan ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. base sa tests na isinagawa ng New Zealand National Animal Health Laboratory sa mga domestic bird mula East Otago, Waitaki, at Canterbury ay positibo sa H7N6 strain ng high pathogenicity avian influenza ang mga sinuring ibon.
Opisyal na ring iniulat ng New Zealand authorities ang outbreak sa World Organisation for Animal Health.
Ayon kay Tiu Laurel, kabilang sa bawal na dalhin sa bansa ang mga domestic at wild birds, itlog, day-old chicks, semen, at poultry meat.
Iniutos din ng kalihim ang agarang suspensyon sa pagproseso, evaluation, at issuance ng sanitary and phytosanitary import clearances para sa mga ibon na galing New Zealand. (DDC)