NCRPO “all systems go” na para sa Pista ng Itim na Nazareno
Handang-handa na ang National Capital Region Police Office (NCRPO) para siguruhin ang payapa at ligtas na Pista ng Itim na Nazareno.
Ito ay matapos pangasiwaan ni Philippine National Police Chief General Rommel Francisco D. Marbil kasama sina Metro Manila’s Top Cop BGen Anthony A. Aberin, Manila City Mayor Honey Lavuna-Pangan at BGen Arnold Thomas C. Ibay, District Director, Manila Police District ang Send-Off Ceremony para sa deployment ng mahigit 14,000 personnel sa Quirino Grandstand, Manila kahapon.
Noong 2024, umabot sa 6.5 milyong deboto at sa selebrasyon ngayong 2025 ay inaasahan mas mataas pang bilang ng tao ang dadagsa.
Magpapatupad ng mahigpit na regulasyon kabilang ang pagbabawal ng backpacks,payong, alcohol, armas o baril, at vendors malapit sa Quiapo Church. Ang mga importanteng lugar ay sakop ng no-fly, no-drone, at no-sail zones, at liquor ban sa loob ng 500 metro sa mga pagdarausan.
Tiniyak ni BGen Aberin sa publiko ang payapa at seguridad ng selebrasyon.
“After months of meticulous security planning and preparation, your NCRPO, together with partner agencies, is now ready to perform our task of securing the Feast of Jesus Nazareno 2025. I urge everyone to work together for a safe, secure and solemn celebration,” sabi ng NCRPO chief.
Pinaalalahanan pa ni Aberin ang mga Metro cops na manatiling mapagmatyag, ipatupad ang batas at respetuhin ang mga karapatan ng mga lalahok habang pinapanatili ang maximum tolerance.
Samantala, kabilang sa ipapakalat sa pista ng Itim na Nazareno ang 1,500 na tauhan ng Southern Police District (SPD) bilang bahagi ng kanilang pangakong protektahan ang publiko sa ganitong mahalagang kaganapang pangrelihiyon.
“The Feast of the Black Nazarene is a celebration of faith, hope, and unity—a testament to the devotion of Filipinos from all walks of life. As police officers, our role is to maintain peace and order while ensuring every devotee can participate safely and without fear,” pahayag ni SPD BGen Manuel J. Abrugena.
“Be resolute yet compassionate, vigilant yet approachable, and above all, stay true to our core values of service, honor, and justice,” paalala ng SPD chief sa kanyang mga tauhan.
Layunin ng deployment ng SPD na bigyang-seguridad ang kapaligiran para sa tahimik at sagradong selebrasyon,pahintulutan ang mga deboto na ipahayag ang kanilang pananampalataya ng walang alalahanin para sa kanilang kaligtasan. (Bhelle Gamboa)