P658M budget para sa decommissioned MILF isinoli ng DSWD sa Bureau of Treasury dahil sa kawalan ng ‘beneficiary list’
Dahil sa kawalan ng beneficiary list, ibinalik ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Bureau of Treasury ( BTr) ang P658 million na budget na inilaan ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) para sa fourth phase ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) decommissioning process.
Ayon kay Undersecretary Alan Tanjusay ng Inclusive-Sustainable Peace and Special Concerns (ISPSC) Cluster, ang nasabing pondo mula sa OPAPRU ay nakalaan para gamitin sa socio-economic interventions ng mga decommissioned MILF combatants bilang parte ng normalization track sa ilalim ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB).
Gayunman, nagkaroon ng delay sa pagsasapinal ng listahan ng beneficiaries kaya nagpasya anng DSWD at OPAPRU na isauli ang pondo sa BTr.
Kabilang ang ahensya sa Task Force for Decommissioned Combatants and Communities (TFDCC) para sa pagbibigay ng tulong tulad ng cash grants, livelihood grants at endorsement for skills training sa mga decommissioned combatants (DCs) at pamilya nito.
Ang listahan ng mga verified MILF beneficiaries ay isa sa mga requirements ng ahensya upang maibigay ang kinakailangang tulong para sa reintegration process ng mga DCs. (DDC)