Muntinlupa City nagdiwang ng ika-107 anibersaryo
Ipinagdiwang ng Lungsod ng Muntinlupa ang ika-107 anibersaryo ng pagkakatatag nito para sa mga residente na sumasalamin sa tunay na puso ng siyudad.
Nagbalik-tanaw si Mayor Ruffy Biazon sa mga kahanga-hangang gawa ng integridad at serbisyo na ipinamalas ng mga ordinaryong mamamayan sa buong taon.
“Sa mundong ating ginagalawan ngayon, kung saan madalas ang kawalang-pakialam, ang mga kilos ng katapatan na ito ay nagbibigay sa atin ng pagmamalaki at pag-asa,” pahayag ng alkalde.
Isa sa mga nakakagalak na bahagi ng pagdiriwang ay ang kuwento ng tricycle driver na si Romeo Boso at ang maybahay nitong si Aida, na nakakita ng cellphone na may ₱1,000 sa Alabang Junction kung saan sa kabila ng pinansiyal na hamon hindi nagdalawang isip na sinurender ng mag-asawa ang napulot na gamit at pera sa opisina ni Mayor Biazon upang maibalik sa may-ari.
Gayundin, ang estudyanteng si Gian Ong ng Tunasan National High School na nakakita ng pitaka na naglalaman ng mga ID, GCash card, at pera habang pauwi mula sa paaralan na dinala rin niya agad sa Mayor’s Office. Samantala, natagpuan ng 65 taong gulang na si Renato Corpuz ang isang teleponong naiwan sa Bayanan Baywalk. Matapos maghintay na balikan ng may-ari, minarapat na rin niyang dalhin ito sa City Hall sa tulong ng kanyang manugang.
Ayon kay Mayor Biazon, “Sa Muntinlupa, ang paggawa ng tama ay hindi pambihira — ito ay likas na ugali.”
Ginawaran din ng lungsod ng 2024 most dedicated government employees award si Alicia Tanabe mula sa City Health Office habang kinilala bilang Outstanding Nutrition Scholar si Sarah Jean Cummings mula sa Business Permits and Licensing Office, at si Michael Arriel Enriquez naman ng Office of the City Mayor.
Binigyang pagkilala rin ang Muntinlupa Water Search and Rescue (WASAR) Team na nagligtas ng 86 katao noong Bagyong Carina.
Ang diwa ng serbisyo ay nagbunga ng maraming pagkilala para sa Muntinlupa. Sa ikatlong sunod na taon, ang lungsod ay ginawaran ng prestihiyosong Seal of Good Local Governance (SGLG) ng Department of the Interior and Local Government (DILG). Nakuha rin ng lungsod ang Top 4 sa Most Competitive Cities index nationwide, at Top Spot sa Innovation. Ang Electronic Business One-Stop Shop ng lungsod ay kinilala ng Anti-Red Tape Authority (ARTA).
Sa pagdiriwang ng anibersaryo, inilunsad ang ilang proyekto:
• MUNConnect Free Public Wi-Fi: Libreng Wi-Fi sa mga pangunahing lugar upang mapunan ang digital divide.
• PNP Command Center at iRespond App: Paghusayin ang kaligtasan ng publiko gamit ang modernong surveillance at response tools.
• Tunasan Skate Park: Isang nakalaang lugar para sa sports at libangan.
Inilunsad din ang isang Health and Management Information System upang i-digitize ang mga rekord ng pasyente, na nagtitiyak ng mas mabilis at mas maayos na serbisyong pangkalusugan.
Inanunsyo rin ang mga nagwagi sa “Search for the Cleanest and Most Orderly Subdivision” o PaMaNang Nakakaproud, na kumikilala sa mga pagsisikap sa pagpapanatili ng kalinisan at kaayusan sa iba’t ibang barangay.
Sa pagtatapos ng selebrasyon, binigyang-diin ni Mayor Biazon na ang tunay na nagpapasigla sa Muntinlupa ay ang kanyang mga mamamayan. “Ang ating pag-unlad ay nasusukat sa puso ng ating mga mamamayan — tapat, may malasakit, at pinapatakbo ng diwa ng komunidad.”
Sa loob ng 107 taon, ang Muntinlupa ay nakapagtayo ng isang pamana ng malasakit, serbisyo, at tagumpay na sama-sama. Ang kanyang mga mamamayan — mga ordinaryong tao na may pambihirang mga puso — ang pinakamalaking tagumpay ng lungsod at pinakamaliwanag na pag-asa para sa hinaharap. (Bhelle Gamboa)