Mas mataas na gratuity pay sa mga contract of service at job order workers sa gobyerno inaprubahan ni Pang. Marcos
Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbibigay ng mas mataas na gratuity pay para sa mga contract-of service (COS) at job order (JO) workers sa gobyerno.
Inaprubahan na ni Pangulong Marcos ang AO no. 28 bilang pagkilala sa dedikasyon at mahalagang kontribusyon ng COS at JO sa mga programa, proyekto at serbisyo ng gobyerno.
Base sa Administrative Order No. 28, mula sa P5,000 na gratuity pay, ginawa ito ni Pangulong Marcos na P7,000.
Kabilang sa mga tatanggap ng P7,000 ang mga COS at JO na nakapagserbisyo na ng hindi bababa sa apat na buwan alinsunod sa kanilang kontrata hanggang noong December 15, at ang mga may kontrata na epektibo pa hanggang sa nasabing petsa.
Sa mga kawani naman na mababa pa sa apat na buwan ang serbisyo hanggang nitong December 15, pro-rated basis ang ibibigay sa kanila.
Ibig sabihin, sa mga naka-tatlong buwan, hindi lalagpas sa P6,000 ang kanilang matatanggap, sa mga naka-dalawang buwan ay hindi lalagpas sa P5,000 ang matatanggap, at sa mababa pa sa dalawang buwan, hindi lalagpas ng P4,000 ang matatanggap.
Gayunpaman, ang halagang ibibigay ay subject sa discretion ng head of agency at sa available na pondo ng ahensiya.
Hinihikayat naman ang local government units na i-adopt ang nasabing kautusan depende sa kanilang available na pondo. (DDC)