PhilHealth hindi totoong inalisan ng budget para sa 2025 ayon sa DOH
Itinanggi ni Health Secretary Teodoro Herbosa ang mga ipinakakalat na impormasyon na walang inilaang budget para sa PhilHealth para sa taong 2025.
Ayon kay Herbosa, may P284 billion na budget ang PhilHealth para sa susunod na taon.
Sinabi ni Herbosa na ang subsidiya ng gobyerno ang inalis sa PhilHealth dahil sa laki ng kanilang surplus budget noong nakaraang taon.
“Kung ikaw, binibigyan ka ng baon ng nanay mo, at hindi mo ginagastos, at manghihingi ka pa ng pera na mas marami pa?” ayon sa kalihim.
Ayon kay Herbosa, P74 billion ang kailangang pondo para sa subsidy ng mga indirect contributors nito.
Ibig sabihin, kayang-kaya aniya itong tustusan ng Philhealth mula sa P150 billion na sobrang budget nila noong nakaraang taon,
Paglilinaw din ng kalihim na walang mawawalang benepisyo sa PhilHealth at ang mga kumakalat sa social media ay pananakot lamang. (DDC)