Lahat ng outdoor Scouting activities ipinagbawal muna kasunod ng pagkamatay ng 3 scouts habang nasa camping sa Zamboanga City
Nagpatupad ng moratorium ang Boy Scouts of the Philippines (BSP) sa lahat ng outdoor Scouting activities.
Ito ay kasunod ng pagkasawi ng tatlong scouts matapos makuryente habang nasa camping activity sa Zamboanga City.
Hinikayat din ng BSP ang lahat ng Local Councils na isulong ang pagsasagawa ng Scouting activities sa mga controlled environments o settings.
Habang umiiral ang suspensyon, sinabi ng BSP na gagamitin itong oportunidad para higit pang sanayin ang kanilang field Implementors sa safety management practices.
Sinabi ng BSP na masusi na nitong tinitignan ang nangyari sa Zamboanga City para muli ring mapag-aralan at higit na mas mapalakas ang kanilang mga polisiya sa pagdaraos ng Scouting activities.
Kaugnay nito ay nagpaabot ng pakikiramay ang BSP sa pamilya ng tatlong nasawing scouts.
Tiniyak din nito ang pagkakaloob ng tulong sa mga naiwang pamilya at sa mga nakaligtas na scouts. (DDC)