P590K na halaga ng family food packs ipinamahagi ng DSWD sa mga naapektuhan ng pagputok ng Bulkang Kanlaon
Mahigit P590,000 na halaga ng family food packs (FFPs) ang naipaabot ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) matapos ang personal na pagbisita ni DSWD Secretary Rex Gatchalian sa mga lugar na nasalanta ng pagputok ng bulkang Kanlaon.
Batay sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., nag-ikot ang DSWD chief sa tatlong evacuation centers sa Negros Occidental, kung saan pinangasiwaan nito ang pamimigay ng halos 1,000 kahon ng food packs sa mga Kanlaon-affected families.
Nagtungo si Gatchalian sa La Castellana Elementary School at sa sa mga bayan ng Bago at La Carlota para alamin ang sitwasyon ng mga naapektuhang pamilya.
Bukod naman sa food packs nagbigay din ang kalihim ng mga non-food items (NFIs) tulad ng family kits, hygiene kits, at water-filtration units na maaaring gamitin ng lokal na pamahalaan upang magkaroon ng access sa malinis na inumin ang mga residente.
Idineploy din ng DSWD Field Office (FO) 6 – Western Visayas at FO 7 – Central Visayas ang Mobile Command Centers (MCCs) upang makatulong sa mga naapektuhang pamilya at indibidwal na makapag-charge ng kanilang celphones.
Ang MCC ay nagtataglay ng internet connection at power source,at maaaring gamitin ng mga apektadong pamilya upang matawagan ang kanilang mga kaanak.
Kasabay nito, tiniyak ng DSWD chief na tuloy tuloy ang pagbibigay ng tulong ng gobyerno para sa kanilang mga pangangailangan.
Nakipagkita din si Gatchalian sa iba pang mga local officials upang mabatid ang iba pang mga pangangailangan at suportang maibibigay ng ahensya sa lahat ng mga apektadong residente. (DDC)