“Ako Solusyon Movement” na layong tugunan ang mga problema sa bansa inilunsad sa Taguig City
Inilunsad ngayong December 9, 2024 ang Ako Solusyon Movement upang isulong mga hakbang para solusyunan ang mga problema sa bansa, kasabay ng isinagawang pambansang pagtitipon sa Fort Bonifacio sa Taguig City.
Sa ngayon umaabot na sa kabuuang 4,234,232 na miyembro ang grupong Ako Solusyon kabilang rito ang overseas Filipino workers, entrepreneurs at mga sektor ng lipunan na mula pa sa iba’t ibang lugar sa Luzon, Visayas, at Mindanao.
Panawagan ni Daisy Encabo, isa sa regional leaders, ang pagkakaisa at aksyon sa mga kinakaharap nating suliranin.
Mahalagang tumulong ang mamamayan na palaguin pa ang ekonomiya ng bansa at resolbahin ang mataas na presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Bukod dito, nanawagan din si Encabo ng mapayapang halalan para sa May 2025 National and Local Elections para maluklok ang mga karapat-dapat na lider ng ating bansa.
Aniya sa pamamagitan nito ay siguradong mabibigyan ng solusyon ang mga suliraning kinakaharap ng sambayanang Pilipino.
Nabatid na ang grupo ay orihinal na binuo noong 2023 sa northern Mindanao. (Bhelle Gamboa)