DOH tiniyak ang kahandaan ng mga ospital sa mga lalawigang apektado ng ash fall

Pinatitiyak ng Department of Health (DOH) ang sapat na suplay ng N95 masks sa mga lalawigan na apektado ng ash fall matapos ang pagputok ng Mt. Kanlaon.
Ayon kay Dr. Albert Domingo, tagapagsalita ng DOH, pinaalalahanan na ang mga Centers for Health Development (CHDs) o regional offices na siguruhin na mayroong sapat na suplay ng N95 masks, eye protection o goggles, water purification tablets o filters, mga gamot, hand sanitizers at antiseptic wipes.
Pinaalalahanan din ang mga ospital sa mga lugar na apektado ng ash fall na tiyaking handa ang kanilang pasilidad sa pagdagsa ng mga pasyente.
Kailangang iprayoridad ang mga buntis lalo na ang mayroong banta ng komplikasyon.
Ayon sa DOH, kabilang sa mga sakit na posibleng lumaganap matapos ang pagputok ng bulkan ay ang
respiratory illnesses.
Delikado ang volcanic ash lalo na sa mga mayroong pre-existing conditions gaya ng hika o chronic obstructive pulmonary disease.
Maaari din itong magdulot ng eye irritation, skin irritation at water contamination.
Paalala ni DOH Sec. Teodoro Herbosa sa mga residente malapit sa bulkan makinig sa abiso ng mga otoridad, manatili sa indoors, isara ang mga pintuan at mga bintana, at gumamit ng N95 Masks.
Tiyakin ding mahuhugasan ng mabuti ang mga lulutuing pagkain.
Kailangan ding agad magpakonsulta sa doktor kapag nakaranas ng hirap sa paghinga o problema sa mata. (DDC)