BAN Toxics umapela sa gobyerno na paigtingin ang kampanya
Umapela sa pulisya at sa mga lokal na pamahalaan ang toxic watchdog group na BAN Toxics na palakasin ang kampanya laban sa pagbebenta ng paputok.
Sa paglulunsad ng kanilang Firecracker Injury Prevention Month, nanawagan ang grupo sa Philippine National Police at Local Government Units (LGUs) na paigtingin ang monitoring at pagkumpiska sa mga ipinagbabawal na paputok na ibinebenta sa merkado.
Sa isinagawang market monitoring ng BT Patrollers kamakailan sa Divisoria sa Maynila nakita ng grupo ang talamak na bentahan ng mga bawal na paputok.
Kabilang dito ang Five Star, Piccolo, at Pla-pla.
Batay sa Fireworks-Related Injury Surveillance ng Department of Health (DOH) mula December 21, 2023 hanggang January 6, 2024, nakapagtala ng 609 na fireworks-related injuries (FWRIs).
Sa tala ng PNP, kabilang sa mga ipinagbabawal na paputok ang Watusi, Poppop, Five Star, Pla-pla, Piccolo, Giant Bawang, Goodbye Bading, Goodbye Philippines, Atomic Bomb, Super Lolo, Hello Colombia, Judas’ Belt, Giant Whistle Bomb, Atomic Triangle, Mother Rocket, Goodbye De Lima, Goodbye Napoles, Coke-in-Can, Super Yolanda, Pillbox Star, Kabasi, at Hamas. (DDC)