Higit P4M halaga ng shabu nakumpiska sa Taguig drug bust
Tinatayang 609.6 na gramo ng umano’y shabu ang nakumpiska ng mga operatiba ng Taguig City Police Station Drug Enforcement Unit sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Rizal sa lungsod.
Naaresto ng otoridad sa operasyon ang dalawang suspek na sina alyas Joy, 43-anyos at alyas Enrique, 32.
Nakumpiska ang pinaghihinalaang iligal na droga na nagkakahalaga ng P4,145,280.00, buy-bust money, sack bag, cellular phone, at weighing scale.
Ang ebidensiyang droga ay itinurn-over sa Southern Police District Forensic Unit para sa chemical analysis.
Nasa kustodiya ng Taguig City Police Station ang dalawang suspek na sasampahan ng paglabag sa Sec 5 & 11 of RA 9165. (Bhelle Gamboa)