Barko ng Coast Guard at BFAR muling nakaranas ng pangha-harass mula sa mga barko ng China
Muling nakaranas ng pangha-harass mula sa mga barko ng China ang barko ng Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) habang nagsasagawa ng routine maritime patrol sa bisinidad ng Bajo De Masinloc bilang suporta sa mga mangingisdang Pinoy.
Ayon kaky PCG spokesperson Jay Tarriela, sa nasabing operasyon ang mga barko ng Coast Guard ay BFAR ay nakaranas ng agresibong aksyon mula sa mga barko ng Chinese Coast Guard na CCG 5303, 3302, 3104, 3304, at People’s Liberation Army Navy vessels na mayroong bow numbers 500 at 571.
Dakong 6:30 ng umaga, ginamitan ng water cannon ng CCG 3302 ang BRP Datu Pagbuaya (MMOV 3003) at tinarget ang navigational antennas ng barko.
Kasunod nito ay sadyang sinagi ng CCG 3302 ang BRP Datu Pagbuaya.
Nasundan ito muli ng pambobomba ng water cannon dakong 6:55 ng umaga.
Samantala, nakaranas naman ng shadowing, blocking at dangerous maneuvers ang BRP Teresa Magbanua mula sa PLA Navy vessel 500 at CCG 503.
Maging ang BRP Cabra ay nakaranas ng reckless maneuvers mula sa CCG 3104 kung saan umabot na lang sa 300 yards ang distansya ng dalawang barko.
Sa kabila nito, tiniyak ni Tarriela na patuloy na babantayan ng PCG at BFAR ang kaligtasan ng mga mangingisdang Pinoy sa karagatang sakop ng Pilipinas. (DDC)