Chinese na nagtatrabaho bilang cashier sa Parañaque City, inaresto ng BI
Isang babaeng Chinese national na nagtatrabaho bilang cashier sa Parañaque City ang inaresto ng Bureau of Immigration.
Ayon sa BI, ang dayuhan na kinilalang si alyas ‘Chen”, 46 ay dinakip sa pinagtatrabahuhang grocery store ng mga tauhan ng BI Intelligence Division sa pakikipagtulungan sa Southern Police District Tactical Operation Center.
Sinabi ng BI na bagaman mayroong balidong working visa si ‘Chen’, ang visa ay para sa ibang kumpanya at hindi sa grocery store sa Parañaque City.
Sinabi ni BI ID Chief Fortunato Manahan Jr., ang pagtatrabaho ni ‘Chen’ sa ibang kumpanya ay paglabag sa kondisyon ng kaniyang pananatili sa bansa.
Dinala pansamantala si ‘Chen’ sa holding facility sa Camp Bagong Diwa sa Taguig habang hinihintay ang resolusyon sa deportation case laban sa kaniya. (DDC)