‘Christmas by the Lake’ sa Taguig muling nagliwanag
Ngayon sa kanyang ikatlong taon, ang inaabangang Christmas by the Lake ay muling binago ang tanawin sa Laguna Lake ng pinakamalaki at pinakamaliwanag na Christmas lights park sa bansa na may kasamang bagong mga atraksiyon.
Kabilang rito ang espesyal na Christmas on Display na nagtatampok sa mayayamang tradisyon ng Paskong Probinsyudad sa pamamagitan ng animated displays na ginagawa ng mga bisita sa kanilang lakbayin sa buong taon.
Dagdag pa rito ang kauna-unahang magarang atraksiyon sa bansa na mararanasan ang Northern Lights na inspirado ng ganda ng Aurora Borealis, ang light show na ito ang pupuno ng makukulay berde, ube, at asul sa langit sa gabi na hindi matatawarang alok sa paningin ng mga bisita.
Agaw-tingin naman sa parke ang higanteng Christmas Tree, na nagsisilbing liwanag sa buong atraksiyon na sumisimbolo ng pag-asa, pagkakaisa, at saya na talagang magbibigay ng holiday photos sa mga bisita.
“Sa muling pagbubukas po nito, walang mapagsidlan ang puso ko ng kagalakan at pasasalamat. Sapagkat ang mas maganda, mas maningning, at mas makulay na mga pailaw at palamuti na makikita natin sa taong ito ay sumasalamin at nagpapaalala sa napakaraming biyayang natanggap ng ating lungsod,” pahayag ni Taguig City Mayor Lani Cayetano para sa taunang tradisyon sa lungsod.
Pinaalalahanan ng alkalde ang mga bisita na isapuso ang tunay na diwa ng Pasko- pagbibigayan, pagmamahalan, at pagpapasalamat sa Diyos habang nagsasaya sa mga atraksiyon sa parke.
“I hope that all who visit our park will experience the magic of the Christmas season and create happy and unforgettable memories with their friends, families, and loved ones,” sabi ni Mayor Cayetano.
Asahan na rin ng mga bisita ang sayang hatid ng iba pang atraksiyon kabilang ang Lights of Christmas Park, Walkway of Lights, TLC Food Park, Grafitti area, at Mercado Del Lago Floating Village.
Kasama sa mahalagang bahagi ng parke ang Tagpuan sa Kapaskuhan Art Exhibit sa Glass House na tampok ang mga sining na iginuhit ng mga lokal na pintor.
Sa bawat sulok ng parke ay maayos na dinisenyuhan upang ang Christmas by the Lake ay maging memorable sa lahat ng bisita para sa masayang pagsasama ng kanilang pamilya habang romantikong namamasyal at magaganda ang senaryong pang-Instagram.
Libre o walang bayad ang pagpasok sa parke kaya hinihikayat ang mga bisita na mag-book online o via phone, bagaman tinatanggap din ang walk-ins.
Araw-araw naman ang operasyon ng parke simula December 1, 2024 hanggang January 12, 2025. Ang parke naman ay pansamantalang isasara sa December 24, 25, 31 at January 1).
Ang iskedyul ng parke ay magmula Lunes hanggang Huwebes sa ganap na alas-5:00 ng hapon hanggang 10:00 ng gabi; Biyernes at Sabado ng alas-5:00 ng hapon hanggang 11:00 ng gabi; at Linggo ng alas-5:00 ng hapon hanggang 10:00 ng gabi.
Sinisiguro ng Taguig City ang pagprayoridad nito sa kaligtasan at kaginhawaan ng lahat sa buong kaganapan kung saan naglagay ito ng medical at help desks, mga CCTV cameras sa lugar, nagtalaga ng magpapatrulyang security personnel, at naghanda ng parking spaces upang maging masaya at panatag ang mga bisita.
Nagtakda rin ng priority lanes para sa mga senior citizens, persons with disabilities, at mga buntis na kababaihan.
Pinapayagan din ang mga alagang hayop sa ilalim ng mga itinakdang kondisyon. (Bhelle Gamboa)