2 Chinese Nationals arestado sa illegal detention sa Pasay City
Dalawang Chinese nationals ang dinakip ng otoridad matapos umanong iligal na pagkulong sa kapwa Chinese dahil sa hindi nababayarang utang.
Ang mga suspek ay kinilalang sina alyas Jun at alyas Chen, kapwa 30-anyos, na nahaharap sa paglabag sa Article 268 ng Revised Penal Code (Illegal Detention).
Nitong Nobyembre 26 naireport ang umano’y insidente ng illegal detention sa otoridad sa commercial building sa Newport City, Barangay 183, Pasay City.
Ayon sa report ang biktimang si alyas Peng, 35-anyos, ay ikinulong ng 26 na oras ng mga suspek matapos hindi niya mabayaran ang pagkakautang nito.
Naalerto ang mga pulis ng Sub-Station 9 sa sumbong ng isang alyas Lucila,51-anyos na supplier ng damit mula sa Santa Rosa, Laguna matapos matanggap ang impormasyon sa kanyang manugang na lalaki na kaibigan naman ng biktima.
Agad nagkasa ng follow-up operation ang otoridad sa lugar na nagresulta ng pagkakarescue ni alyas Peng at nadakop ang dalawang Chinese suspects. (Bhelle Gamboa)