Aussie, 2 iba pa timbog sa dollar counterfeit sa Makati City
Bumagsak sa kamay ng otoridad ang tatlong katao kabilang ang isang Australian national dahil sa tangkang pagdedeposito ng peke o counterfeit US dollars sa isang commercial bank sa Arnaiz Avenue, Barangay San Lorenzo, Makati City.
Sa report na natanggap ni Southern Police District (SPD) District Director, Brigadier General Bernard R. Yang, dinakip ang mga suspek na sina alyas Emanuel, 42-anyos, isang turistang Australian national; Jessirose, 59-anyos, HR ng isang foundation; at Imelda, 59-anyos, retiradong accountant.
Tinangka ng mga suspek na ideposito ang $496,000 na tig-$100 bills. Ang mga dolyar na ito ay kinumpirmang peke ng kinatawan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) kasunod ng masusing imbestigasyon.
Kaagad na inaresto ng mga guwardiya ng Security Investigation Agency ang mga suspek.
Mahaharap ang mga suspek sa paglabag sa Article 168 ng Revised Penal Code partikular para sa Illegal Possession and Use of False Treasury or Banknotes and Other Instruments of Credit.
Pinuri ni BGen Yang ang Makati City Police sa kolaborasyon ng BSP at counterpart kasabay ng panawagang paigtingin ang kampanya kontra counterfeiters lalo na ngayong kapaskuhan na posibleng kumalat ang mga pekeng pera.
Pinaalalahanan ng opisyal ang publiko na maging mapanuri sa pagtanggap at pamamahala ng banknotes sa mga personal na transaksiyon o ATMs. (Bhelle Gamboa)