Puganteng Japanese arestado habang nagre-renew ng visa sa BI
Arestado ang isang Japanese national na wanted sa kasong theft at fraud sa Tokyo.
Ayon sa Bureau of Immigration (BI), dinakip si Kudo Tomoya, 31 anyos sa mismong opisina ng BI sa SM Aura mall sa Taguig.
Tinangka kasi ni Kudo na mag-apply para sa extension ng kaniyang tourist visa.
Ayon kay BI SM Aura head Evita Mercader, dumating sa bansa si Kudo noong Oct. 15 at nais nitong mapalawig ang kaniyang pananatili sa bansa.
Pero sa ginawang verification sa centralized system ng BI, nakitang nasa ilalim ng watchlist si Kudo dahil sa pagiging undesirable alien.
Ipinarating kasi sa BI ng mga otoridad sa Japan na si Kudo ay mayroong warrant of arrest sa kasong theft at fraud matapos pasukin ang dati niyang opisina at nakawin ang isang bankbook at mga gamit na nagkakahalaga ng JPY2,000.
Mayroon ding natangay na JPY7,876,000 na halaga ng cash si Kudo mula sa isang bank empoyee.
Nakakulong ngayon sa BI facility sa loob ng Camp Bagong Diwa ang dayuhan habang inihahanda ang deportation sa kaniya. (DDC)