Las Piñas City ginawaran ng Seal of Good Local Governance 2024 ng DILG
Sa kauna-unahang pagkakataon, ginawaran ang Las Piñas City ng prestihiyosong Seal of Good Local Governance (SGLG) 2024 mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG).
Ang parangal na ito ay isang makasaysayang pagkilala sa lungsod, sa ilalim ng pamumuno nina Mayor Imelda Aguilar at Vice Mayor April Aguilar, na ipinagpapatuloy ang Tapat at Progresibong Serbisyo para sa Las Piñas.
Ibinibigay lamang ang SGLG sa mga lokal na pamahalaan na pumasa sa mahigpit na pamantayan ng DILG sa iba’t ibang aspeto ng serbisyong pampubliko at pamamahala.
Nakatuon ito sa sampung pangunahing kategorya, kabilang ang Financial Administration and Sustainability, na sumusuri sa maayos at transparent na paggamit ng pondo ng lungsod; Disaster Preparedness, na tinitiyak ang kahandaan sa mga kalamidad; Social Protection and Sensitivity, na nagbibigay-diin sa pagtugon sa pangangailangan ng mga mahihirap at mahihinang sektor; Health Compliance and Responsiveness, na nagtataguyod ng mga epektibong serbisyong pangkalusugan; Sustainable Education, na naglalayong mapabuti ang kalidad ng edukasyon; Business-Friendliness and Competitiveness, na pinapadali ang pagnenegosyo; Safety, Peace, and Order, na nagsusulong ng kaligtasan at kaayusan; Environmental Management, na binibigyang halaga ang pangangalaga sa kalikasan; Tourism, Heritage Development, Culture, and Arts, na nagsusulong ng turismo at pagpapahalaga sa kultura; at Youth Development, na hinihikayat ang aktibong pakikilahok ng kabataan sa pamamahala.
Ang pagkilalang ito ay itinuturing na mahalagang pamana ni Mayor Mel Aguilar, na sa ilalim ng kanyang paamumuno ay naabot ng lungsod ang pinakamataas na antas ng mahusay na pamamahala.
Ipinapakita ng parangal na ito ang sama-samang pagsisikap ng mga opisyal at residente ng Las Piñas na panatilihin ang lungsod bilang isang maunlad, maayos, at progresibong komunidad. (Bhelle Gamboa)