Unauthorized deductions sa account ng GCash users iimbestigahan ng BSP
Iimbestigahan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang insidente na nangyari sa mga GCash user noong weekend kung saan marami ang nagreklamo na nawalan sila ng pera sa kanilang e-wallet.
Iniatasan din ng BSP, ng G-Xchange Inc. na operator ng GCash na agad resolbahin ang mga unauthorized deductions sa account ng mga user.
Pinagsusumite ng BSP ang GXI ng regular na update sa ginagawa nitong aksyon.
Ayon sa BSP base sa inisyal na report sa kanila ng GXI, “system error” ang nangyari.
Tiniyak din ng GXI na secured ang account ng mga GCash user.
Hinimok ng BSP ang mga naapektuhang user na makipag-ugnayan sa GXI.
Kung mayroon silang reklamo o kung hindi naaaksyunan ang kanilang report, maaaring magsumbong sa BSP Online Buddy sa pamamagitan ng BSP website na www.bsp.gov.ph o sa Facebook messenger – @BangkoSentralngPilipinas. (DDC)