Las Piñas nagsagawa ng kasalang bayan para sa mahigit 100 couples
Mahigit 100 couples o magkapareha ang opisyal na ikinasal nang sabay-sabay sa ginanap na mass wedding sa Verdant Covered Court, Barangay Pamplona Tres sa Las Pin̈as City.
Inisponsoran nina Mayor Imelda Aguilar at Vice Mayor April Aguilar ang naturang kasalang bayan na inorganisa naman ng City Social Welfare and Development Office upang suportahan ang mga magkakapareha na nagnanais na gawing pormal na ang kanilang pagsasama.
Napuno ng inspirasyon ang mensaheng ipinaabot ni Vice Mayor April Aguilar para sa mga bagong kasal at binigyang-diin ang kahalagahan ng sagradong pangako o sumpaan sa isa’t isa at ang parehong suporta sa kanilang pagsasama.
Dumalo rin sa kaganapan sina Alelee Aguilar, CSWDO head Lowefe Romulo, mga konsehal ng lungsod na sina Kons Mark Anthony Santos, Henry Medina, Emmanuel Luis Casimiro, at SK Federation Chair Rey Angelo Reyes.
Bukod sa palitan ng sumpaan na tanda ng kanilang pag-ibig at tinanggap na basbas ay nabigyan ang mga bagong kasal ng magandang pagkakataon na ipagdiwang ang panimula ng kanilang buhay mag-asawa.
Ang kasalang bayan ay sumasalamin sa dedikasyon ng Pamahalaang Lungsod ng Las Pin̈as na suportahan ang paglingap sa pamilya at palakasin pa ang komunidad. (Bhelle Gamboa)